| |
Hindi maikakaila sa atin na nalalapit na ang halalan. Ang mga pangkaraniwan palantandaan na napapanahon na ang halalan ay maliwanag sa atin kapalibutan : ang mga radio at tv advertisements -na kunwari pa ay hindi pagkampanya; pagbisita sa atin ng mga kilalang maybalak tumakbo ( dati naman ay hindi tayo binibisita, sa mga araw na ita at sa darating araw palagi na lang silang susulpot sa atin kalagitnaan ; ang pagmumudmod ng mga pagkain, gamot, pati na nga pampatay ng ipis !
Dito naman sa Naga ay halos wala ng pinaguusapan sa radio kundi "tatakbo si ganoon; tatakbo si ganito. Nabibingi na ako na tatakbo si Padi o si Monsenor. Hindi ko ugali na makisama sa mga tsimisan, o kagalitan sa radyo o tv. Para sa akin ito po ay pagsayang ng panahon.
Subalit tila yata dumating na ang panahon na bigyan ng katapusan - o kundi man ay kaliwanagan ang isyong ito ng pagtakbo ng pari sa darating na halalan. Kung hindi ako nagkakamali mayroon ng mahigit na isang buwan na ipinaliwanag ko ang umiiral na alituntunin sa Simbahan tungkol sa isyung ito ng pagpasok ng pari sa pulitika bilang kandidato. Ganito po ang aking sinabi sa madaling salita:
- na hindi sangayon ang Simbahan sa pagpasok sa pulitika ng mga pari bilang kandidato na maglalagay sa kanya sa isang posisyon pulitikal at mamumuno at gagamit siya ng kapangyarihan pulitikal sibil. Pakinggan ninyo ang texto ng batas : “CLERICS ARE FORBIDDEN TO ASSUME PUBLIC OFFICES WHICH ENTAIL A PARTICIPATION IN THE EXERCISE OF CIVIL POWER."( c. 285,3). Ang dahilan nito ay simple lang: hindi pulitika ang pinagpari ng isang alagad ng Dios, hindi ang mga pangangailangan ng mundong ito ang misyon ng Pari, kundi ang kaligtasan ng kaluluwa;
- subalit kung susuriin natin ang batas ng Simbahan - ang Codigo ng Canon Law maliwanag rin na hindi imposible na mangyari na ang isang pari ay makaupo sa political positions; pakinggan po lamang ninyo ang Canon 287,
Samakatuwid maaari - kung sa huisyo ng Obispo ay kailangan ito upang ipagtanggol ang karapatan ng Simbahan, o ito ay hinihingi ng panlahat ng kabutihan ng bayan.
Sa pagkakataong ito ay nais kong balikan ang papel ng Obispo sa casong ating pinaguusapan -alai on baga'y ang pagpasok ng kandidatura ng pari para sa elective political position. Ayon sa C. 287,2: ang Obispo ang may karapatan magpahintulot sa kanyang pari na tumakbo sa halalan. Ano naman ang pagbabatayan ng huisyo ng Obispo?
Kung niyuyurakan ang karapatan ng Simbahan o na ito ang hinihingi ng pangkalahatan kabutihan (common good) ng bayan. Mayroon pang isang mahalagang batayan ang Obispo: na walang-wala nang hindi pari ang makapagbibigay ng lunas sa kasamaan ng kinatatayuan ng lipunan.
Samakatuwid sapagkat ang larangan ng pulitika ay likas na larangan ng mga laiko, o mga katolikong hindi clerigo, hindi kailangan pumasok sa halalan ang isang clerigo hangga't mayroon mga laikong nais at handang pumagitna sa larangan ng pulitika. Ang tungkulin ng Simbahan -ng mga Obispo at mga pari - ay magturo, humubog ng mga laiko, ihanda sila na lumahok sa pulitka bilang mahalagang tungkulin ng kanilang pagiging Binyagan.
Sa aking abang pakiwari -sa ating kasalukuyan panahon mayroon at marami rin naman mga laiko ang handa at nais pumgitna sa larangan ng pulitika . Sa katunayan napakarami nga; hindi wala. Ang ating hinihingi ay mabubuting laiko at hindi sakim sa kapangyarihan o salapi.
Napag-isip-isip ko , mga ginigiliw kong mga kapatid: bakit sa kasalukuyan ay napagiisip ng mga tao ang paglahok ng pari sa halalan bilang kandidato? Sapagkat, sa aking palagay, laganap ang damdamin ng kabiguan sa kanilang nakikita at sasaksihan pagkukulang ng mga na sa poder. Nang sila ay tumatakbo, nagkakampanya sinasabi nila nais nilang maglingkod sa bayan, maging alipin ng bayan. Kapag nakaupo sila - nais lamang nilang maglingkod sa sarili, at samantalahin ang mga tao.
Ang isang klasikong halimbawa ay nangyari dito sa atin: ang pagkakaroon ng ika 5 distrito sa Camarines Sur. Sa aking nabasa sa BICOL MAIL ang tunay na dahilan nito ay hindi upang lalong mapaglingkuran ang mga tao. Pakinggan ninyo ang nasulat sa pahayagan natin " The law created a new district that would avoid an election contest between the first district's former Congressman and now Budget Secretary Rolando Andaya, Jr. and incumbent congressman Dato Arroyo, the president's son for whom the new law was believed crafted as an accomodation covenient to both Dato and Andaya." Marami ang sumalungat sa bagong batas na ita - RA 9716 - sapagkat tila mayroon pagkukulang sa hinihingi ng Salingan Batas para mapahintulutan ang paghahati ng mga congressional districts. Kung totoo ito : paano pa natin mababasa ang pagpupumilit na ito kundi para sa kapakanan ng sarili at hindi ng tao, ng bayan?
Konklusyon - mahalaga ang pulitika sa buhay ng bayan, malaki man o maliit. Kaya naman tungkulin ng mga tao na maging masusi at maingat sa pagpili ng mga taong nais umupo sa poder. Kailangan natin ang mabubuting laiko na pumagitna sa larangan ng darating na halalan. Kailangan tungkulin ng mga tao na maging maingat, at masuriin sa pagpili ng kandidato. Kailangan matuto na tayo na huwag padadala sa sa mga salita kundi sa gawa: ano ba ang record ng isang kandidato? Kung siya ay re-electionist ano ba ang kanyang maipakikita na kabutihan nagawa sa bayan? Yumaman ba ang bayan o ang bahay niya? Naging tahimik ba tayo o lalo lang gumulo ang ating buhay? Naging magpalingkod ba o arogante sa poder?
Ayon sa mga panunuri ng mga nakaaalam, dahilan sa mga bagyong nakaraan ay magiging mahirap ang buhay natin sa mga darating na panahon: makapagbibigay ba ng pagasa ang isang kandidato o magiging kabigatan lamang siya ng bayan ? Mahal ba niya ang bayan o mahal niya ang kanyang bahay?
Sa aking palagay: ang ating pagkakamali sa halalang darating ay higit pa ang pagsira na ipapataw sa bayan kaysa kay Onyong o Pepeng.
|
|